Tuesday 5 July 2011

Ang Siwang sa Pader

Abalang-abala si Diding. Sa araw, tuloy pa rin sya paggawa ng mga tulay. Sa gabi, kapag mga kuliglig na lang ang gising, isa-isa nyang sinasalansan ang mga bato sa likod ng hardin.

Si Diding ay nagmula sa angkan ng mga inhinyero. Sa bayan nila, isa ito sa mga pinakamahalagang papel na maaring gampanan ng sinuman. At dahil babae si Diding, higit na syang kinagigiliwan. Mas masinop daw kasi ang babae; mas madetalye at malasakit sa katapusang yari.

Liban pa sa husay ni Diding sa pagbubuo ng maraming tulay, gusali, at iba’t-ibang mga makina, may mahika ang mga kamay ni Diding sa pagtatayo ng mga pader.

Sabi-sabi, bawa’t isang nilalang sa Balon ng mga Pabo ay may angking salamangka. Libong taon na ang nagdaan sabi-sabi pa rin ito. Ayon sa alamat, bawat Pabo ay nakatakdang maglihim ng kanilang salamangka.

Ang Balon ay paraisong inukit sa simple at mapayapang pamumuhay. Bawal gumamit ng salamangka. Bawal pag-usapan. Kung walang gagamit, walang mag-uusap ukol dito. Sa tamang oras, nalalaman ng bawat Pabo ang kanilang angking salamangka pero kasabay nito ang lihim na papasanin nila habambuhay.

Gabi-gabing isinusugal ni Diding ang sarili nya. Tiyak na kamatayan ang naghihintay sa kanya kung may makakamalas sa kanya.

Hinuhugot nya mula sa tinig ng mga kuliglig ang lakas na umuukit sa bawat bato. Lumilikha sya ng malulungkot na himig upang dahan-dahang isalansan ng hangin ang mga bato. Sa bawat paglalapat, daluyhoy ang ibinubulong na wari ba’y pinagtatalik ang himig at hininga.

Bawat himig kapantay ng isang alaala. Bawat alaala katumbas ng isang bato. Kaya nga ba masalimuot ang pader na ito.

Tanging malalim na kalungkutan lamang ang sangkap sa pagtatayo ng pader. Walang ligaya, walang galit, ang maaring dumampi sa isip ni Diding habang itinatayo ang pader kundi’y guguho ito. Kaya nga ba sa kalaliman ng gabi kung gawin ito ni Diding.

Hindi ito ang una. Pero ito ang una nyang sinadya. Buo ang loob nya. Walang papatak na luha. Walang mapapatid na hinga habang dumadaluyhoy. Ito ang pinakamatibay na pader na gagawin nya – ang pader sa ilalim ng burol kung saan gumugulong pababa ang hangin at gumagapang sa hardin na tanaw sa bintana ng silid-tulugan ni Diding.

Babarahan ng pader ang matamis na hangin na ito. Tama na ang mga panaginip. Tama na.

Hindi mabibilang ang mga gabing pinagsumikapan ni Diding na matapos ang pader.

Sa ika-apatnapung gabi, nailapag na ang huling bato. Pumiglas sa buntong-hininga ang animo’y sinok na pala’y isang hikbi. Mala-gulaman ang tuhod ni Diding nang upan ang bangkong isinandal sa pader. Nahimlay sya hanggang mapaidlip.

Humahalik na ang araw nang idilat ang mata, may pagkalito sya nang madama… may matamis na hanging kaulayaw ang sinag ng araw. Ilang sandali pa, napangiti si Diding. Bumangon sya at lumakad pauwi.

May siwang sa pader.