Monday, 16 November 2009

Ang Libing ni Bathala

Hindi na maitanggi ang katotohanan. Kanser ang dahilan ng matagal na pagkawala ni Bathala. Para san pa ang lihim- patay na sya.

Nung kelan lang dinayo ko ang burol ni Bathala. Dinaanan ako ng nagbubunying si Gracia. Hindi sya nachugi, at sa halip pakiwari nya wagi sya ngayon sa lahat ng engakantong pumapaligid sa kanya sa Salapudin.

Syempre pa, nuknukan ng tsismis ang mga ganitong salu-salo. Nahahati sa apat ang mga dumayo sa burol.

Ang mga dugong bughaw. Kapag may namamatay, naglilitawan ang mga matalik na kaibigan. At sila ang pinakamadaling makilala. Sila ang sumasalubong at naghahatid ng mga bisita, walang kapagod-pagod nilang ikinukwento ang mga huling sandal. Pero ang highlight ng kwento nila ay kung pano silang napasok sa eksena; anong ka-award-award ang ginawa nila para i-deserve ang kanilang korona. For sure, mas sikat pa sila sa asawa ng yumao.

Ang mga alalay. Dalawa lang lumulutang sa mga burol; maliban sa mga dugong bughaw e eto na ngang mga alalay. Madali rin silang ma-ispatan dahil kung ang dugong bughaw ay nasa pinto, ang alalay ay nasa kusina. Dahil mas matagal magbabad sa burol ang mga alalay, sila ang susi sa buong kwento. Higit sa lahat, malalim ang pakiramay nila- isipin mo ngang hanggang sa kamatayan e mababang uri pa rin sila.

Ang mga usisera. Hindi lang naman tsismis ang pinupulot at ikinakalat ng mga usisera. Gifted sa walang hangganang kauhawan sa leksyon ang mga ito. Marami silang tanong, maraming ikinakabit na kwento galing pa sa kabilang karagatan o sa hindi kilalang kabundukan siguradong may kahawig ang istorya ng buhay mo. Ang malungkot, sa lahat ng dumadayo sa burol, ang mga usisera ang hinahabol ng kunsensya nila kahit bwan o taon na ang lumipas.

Ang mga tunay na nawalan. Samut-sari rin ang hitsura nila. Hindi lahat ng nawalan e humihikbi, humahagulhol at nagmumukmok sa isang sulok. Ang mga tunay na nawalan ang pinakamahirap makilala sa burol. Sila ang pinakaunang nagtatatwa na nawalan sila. Kaya naman iba’t-ibang anyo nila- may maingay na bumubunghalit o humahagikhik sa tawa, may inaantok pero gabi-gabing nariyan, at meron ding animo’y normal na nakikipag-kamustahan na kala mo e lingguhang misa lang ang dinaluhan nya. Makikilala mo lang sila dahil may moments sila; swerte mo kung hindi sa banyo mangyari ang moment nila.

May dahilan ako para malungkot. Kahit hindi ako natulungang ng Bathala sa oras ng pangangailangan ko sa kanya, naturuan nya ako sa maraming paraan. At ang pinakamahusay na paraan sa lahat ay ang pagpapakita nya kung paanong gawin ng mahusay ang trabaho at maglaan pa rin ng takdang panahon para sa pamilya at sa sarili.

Sa Bathala ko natutunang ang trabaho ay trabaho lang. Marami pang ibang bahagi ang buhay...