Tuesday, 27 July 2010

Ang Puso ni Tariks


Si Tariks (pag pinalawig ay mas kilala bilang Archaeopteryx) ang panginoon sa Avianca, isang lupain sa gawing katimugan, may ilang kilometro mula sa Salapudin. Sya ang sinasamba sa lupaing pinagkapadparan ko matapos ang Salapudin. Napadaan din ako sa maliit ng kastilyo ni Jadis pero ibang kwento na ‘yun. Sa Avianca, hindi tulad sa Salapudin isa akong operator, manipulador at kung anupamang gusto nyong itawag.

Sa Timog, ang Avianca ay pangunahin sa pangkalawakang pakikipag-ugnayan sa mga usaping may kinalaman sa pagpapayabong ng kakayahan ng mga kaharian sa katimugan. Tutol ang inang kaharian sa gawaing ito. Anya, mababang uri ng gawain, gawaing walang kinalaman sa mga tunay na suliranin, at gawaing labas sa tunay na kaluluwa ng kanilang uri. In short and in many ways, illegitimate ang lupaing ito. Kaya naman may bulung-bulungan na si Tariks ay nagtatayo ng sarili nyang kaharian. Ang opinion ko? Fuwede, fusivle... pero keber.

Ihihilera ko si Tariks bilang isa sa mga pinaka-nakakabwisit na panginoong nakilala ko, pero ipipila ko rin sya bilang isa sa mga kahanga-hanga. For the sake of fairness, uunahin ko na ang katangian nya.

Matalino si Tariks. Ito na marahil ang pinaka-ugat ng kanyang pagiging cold and heartless. Pinaghaharian nya ang isang mataas na usapin na hindi pinapatulan ng ibang panginoon – ang magandang mukha ng imperyalismo. Sa usaping ito, hindi naman maitatatwa na adelentado ang Avianca, pero tingin ko hindi pa dahil sa Avianca mismo kundi dahil kay Tariks. Ika nga, ang ibang panginoon ay naglalakad pa lang, pero si Tariks lumilipad na! Mahirap intindihan ang bwakangbitch na usaping ito, nosebleed pramis!

Alam ng lahat, sampu ng kalawakan na matalino si Tariks pero ang awit nga – where is your heart? Inevitable na magkaron kami ng bonding moments, dahil sa tutuo lang sa Avianca sa kanya lang ako may panangutan. Sa isang pagkakataoon sabi nya kaya daw sya “effective” (feeling nya ‘to) ay dahil hindi sya emo sa mga sinasakupan nya. I don’t agree (though I don't argue) dahil pag di nya type ang tao obvious naman na pinag-iinitan nya. Sabi nga ni Kiel napansin nyang kinagigiliwan ni Tariks ang mga may hitsura. Gayunpaman, ang emo nya kuning, ayon sa kanya, ay kapag labas na sa tamang prinsipyo ang usapin. Ang paniwala nya, ang gawain nya ay isang porma din ng pakikipagsapalaran sa tunggalian ng uri. Sa paglilinaw ng magulong lohikang ito, masasabing isa syang walking contradiction.

Tulad ng maraming panginoon na nakilala ko, hindi madali para kay Tariks ang magpaubaya ng kapangyarihan. Hangga’t maari, gusto nyang siya lang ang nakapangingibabaw, mula sa pinakamalalaki hanggang sa pinakamaliliit na isyu. Dahilan ito kung kaya't hagya nang huminga at lumago ang mga nilalang sa Avianca. Nanunuyot ang lupa, nangangamatay ang mga bulaklak, at nagsisilisan ang mga paru-paro. Ang tanging naiiwan ay ang mga damong kusang tumutubo sa anumang sulok na hagyang nahahanginan at nababasa.

May ilang bisita ng Avianca ang chumichika na ang panginoong ito sa katotohanan ay may pusong mamon.

Kaarawan ni Tariks ngayon. Matapos ang maraming taon ng kanyang pakikibaka, ang tunay na pagkatao ni Tariks ay nakabaon pa rin.