Tuesday, 5 July 2011

Ang Siwang sa Pader

Abalang-abala si Diding. Sa araw, tuloy pa rin sya paggawa ng mga tulay. Sa gabi, kapag mga kuliglig na lang ang gising, isa-isa nyang sinasalansan ang mga bato sa likod ng hardin.

Si Diding ay nagmula sa angkan ng mga inhinyero. Sa bayan nila, isa ito sa mga pinakamahalagang papel na maaring gampanan ng sinuman. At dahil babae si Diding, higit na syang kinagigiliwan. Mas masinop daw kasi ang babae; mas madetalye at malasakit sa katapusang yari.

Liban pa sa husay ni Diding sa pagbubuo ng maraming tulay, gusali, at iba’t-ibang mga makina, may mahika ang mga kamay ni Diding sa pagtatayo ng mga pader.

Sabi-sabi, bawa’t isang nilalang sa Balon ng mga Pabo ay may angking salamangka. Libong taon na ang nagdaan sabi-sabi pa rin ito. Ayon sa alamat, bawat Pabo ay nakatakdang maglihim ng kanilang salamangka.

Ang Balon ay paraisong inukit sa simple at mapayapang pamumuhay. Bawal gumamit ng salamangka. Bawal pag-usapan. Kung walang gagamit, walang mag-uusap ukol dito. Sa tamang oras, nalalaman ng bawat Pabo ang kanilang angking salamangka pero kasabay nito ang lihim na papasanin nila habambuhay.

Gabi-gabing isinusugal ni Diding ang sarili nya. Tiyak na kamatayan ang naghihintay sa kanya kung may makakamalas sa kanya.

Hinuhugot nya mula sa tinig ng mga kuliglig ang lakas na umuukit sa bawat bato. Lumilikha sya ng malulungkot na himig upang dahan-dahang isalansan ng hangin ang mga bato. Sa bawat paglalapat, daluyhoy ang ibinubulong na wari ba’y pinagtatalik ang himig at hininga.

Bawat himig kapantay ng isang alaala. Bawat alaala katumbas ng isang bato. Kaya nga ba masalimuot ang pader na ito.

Tanging malalim na kalungkutan lamang ang sangkap sa pagtatayo ng pader. Walang ligaya, walang galit, ang maaring dumampi sa isip ni Diding habang itinatayo ang pader kundi’y guguho ito. Kaya nga ba sa kalaliman ng gabi kung gawin ito ni Diding.

Hindi ito ang una. Pero ito ang una nyang sinadya. Buo ang loob nya. Walang papatak na luha. Walang mapapatid na hinga habang dumadaluyhoy. Ito ang pinakamatibay na pader na gagawin nya – ang pader sa ilalim ng burol kung saan gumugulong pababa ang hangin at gumagapang sa hardin na tanaw sa bintana ng silid-tulugan ni Diding.

Babarahan ng pader ang matamis na hangin na ito. Tama na ang mga panaginip. Tama na.

Hindi mabibilang ang mga gabing pinagsumikapan ni Diding na matapos ang pader.

Sa ika-apatnapung gabi, nailapag na ang huling bato. Pumiglas sa buntong-hininga ang animo’y sinok na pala’y isang hikbi. Mala-gulaman ang tuhod ni Diding nang upan ang bangkong isinandal sa pader. Nahimlay sya hanggang mapaidlip.

Humahalik na ang araw nang idilat ang mata, may pagkalito sya nang madama… may matamis na hanging kaulayaw ang sinag ng araw. Ilang sandali pa, napangiti si Diding. Bumangon sya at lumakad pauwi.

May siwang sa pader.

Wednesday, 20 April 2011

Ang Lihim ng mga Pabo


Binalot nya sa panyo ang lastiko, kasama ng makukulay na holen. Koleksyon nya ang mga holen, pero mas pinag-iingatan nya ang lastikong ito.

Araw-araw, araw at gabi pa nga kung pwede, hinuhukay nya sa lupang tinatabunan ng mga bato ang panyong ibinaon nya mula pa nung tag-araw ng 1999. Kung minsan, lalo na kapag tag-ulan, nag-aalala syang baka sobrang lumambot ang lupa at anurin ng putik ang panyo. Medyo mataas naman ang burol, hindi naman siguro babahain. Kaya nga napili nya pang sa gilid ng mga ugat ng higanteng puno ibaon ang panyo.

Halos araw-araw din, dito sila naglalaro ni Buboy. Kapag nakauwi na si Buboy, dun nya lang naaalala ang nakabaong panyo. Huhukayin na naman, bubulatlatin, magdadagdag ng holen kung merong bago, at laging sa huli, hihimasin ang lastiko, tapos bibilutin ulit ang panyo at ibabaon.

Duda nya alam ni Buboy ang tungkol sa panyo. Hindi lang nila napag-uusapan. Kung minsan parang gusto ni Diding, pero kadalasan takot sya. Matanong kasi si Buboy, si Diding hindi. Paniwala nya, kusang dumadating ang mga sagot. Kung nagmamadali ka sa sagot, pwedeng imbentuhin yan. Pero ang tunay na sagot, humihingi ng panahon. Kailangan kang himasin ng hangin, ng salitang liwanag ng araw at buwan, bago ibigay sa yo ang tunay na sagot… kapag handa ka na.

Ang hindi alam ni Diding, ang hindi nya nakita, ay huhukayin ni Buboy ang panyo.

Sabado. Halos umiindak pa ang yapak nya papunta sa burol. Uupo lang dapat sya sa ilalim ng puno at dun maghihintay ng takipsilim. Masarap ang hangin kaya mas marahan pa syang maglakad kesa karaniwan.

Parang nasirang plaka ang huling bagsak ng paa nya sa lupa nang datnan nya si Buboy na hinuhukay ang panyo. Nang magbalik sa wisyo, marahan pa ring itinuloy ang lakad kahit parang kusang gumulong pababa ng burol ang mga tuhod nya. Tinanong nya si Buboy kung anong ginagawa nito.

Alam mo bang alam ko na may tinatago ka dito? Bakit, ano bang tinatago ko dyan?

Hinayaan nyang buksan ni Buboy ang ang panyo.

Ano ba ito?

Hindi sya makasagot.

Anong ginagawa mo sa lastiko at mga holen? Kinuha nya sa kamay ni Buboy at muling ibinalot sa panyo ang mga holen at lastiko.

Umuwi ka na.

Pag alis ni Buboy, ibinaon nya ulit ang panyo. Sa pagmamadali, hindi na nya nahimas ang lastiko. Matagal nyang hawak ang huling bato. Matagal, kasi ikinagulat na nya ang tunog ng kuliglig. Gabi na pala.

Umuwi syang lulugo-lugo.

Paanong hawak mo na sa kamay mo hindi mo pa rin alam kung ano ito?