Ayoko ng putik! Ay, Manong. Nakikita kita at ang di-mapantayang acting mo.
Ang panghihilahod na ito ay hindi ko sisimulan sa putik. Para sa isang Dyosa, uumpisahan ko ito sa mga ulap at isang karatulang ganito ang nakasulat...
BABALA: May kulay kahit sa mga color-blind. (Ay! Meron naman talaga di ba?)
Dyosa. Paano ba ipinipinta ang kagandahan at aliwalas ng katagang ito?
Bago pa nakilala ang teleseryeng Dyosa, isinapelikula na ito. At bago pa naging pelikula, ang Dyosa ay nakataga na sa makulay na kultura ng Pinoy. Hindi naman kasi orihinal na maka-lalake ang haligi ng ating lipunan. Nauna na ang mga babaylan sa mga pari. Nasa pedestal na ang mga engkantada nang naipakilala ang mga engkantong may puso.
Hindi ko nakikita yun bilang patunay ng kalakasan ng mga babae. Nakikita ko yun bilang posibilidad na tutuong ang mga babae ay ipinanganak na may katauhang parehong babae at lalake. (ISANG
PAALALA: May kulay at may reli ang pangungusap na ito.)
Ang Dyosa ay simbolo ng kapangyarihan. Simbolo lang. Hindi lingid sa kanyang kaalaman na hindi gagana ang kanyang powers kung hindi sya sasambahin ng mga kutong-lupa. Kahit pa sa isang nakaprogramang computer software, ang kapangyarihan ng Dyosa ay pumapalya din. Kahit sa mukha ng nagkikinangang mga brilyante, hindi maikukubli ang tutuong kulay ng kanyang balat. Kahit pa sa ilalim ng matatalinhagang tula, hindi madadaya ang kakulangan nya sa talino.
Ang Dyosang tinutukoy ko ay isang tao lamang, na sa katotohanan ay nagtatago sa likod ng pag-aalinlangan. Kaya nya bang ilantad ang kanyang tunay na kasarian? Kaya nya bang ibulalat ang kanyang kaduwagan? Kaya nya bang unawain lahat ng buong puso at hindi lang sa kanyang pansariling kapakanan?
Hindi pa ako naging manager. Malamang ang pinakamalapit na ay ang matawag akong team leader. Salamat sa poon, at hindi pa at sana ay hindi kailanman. Hindi kasi madaling maging manager.
Mahirap mapalibutan ng mga alipores na hindi mo lubusang nababasa- maraming ganito na pawang mga sipsip lang. Mahirap mamuno ng mga taong higit pa ang nalalaman at karanasan- maraming ganito ang susunod lang para sumunod, hindi para maniwala. Mahirap magpanggap na patang-pata na ang katawan at isip mo, kung alam mong sa tutuo lang ay nagpapalipas ka lang ng oras.
Sa mga unang bwan nang magsama kami ng Dyosa, pinilit kong makita lahat ng kapuri-puri sa kanya. Dalawang dahilan:
(1) Mabigat ang ginto at kapag nasilaw ka sa kinang nito, bago mo mamalayan ay ikaw mismo ang kukumbinse sa sarili mong que ber na sa lahat: this is it pansit, hulog sya ng langit at malamang anghel sya.
(2) Dinesisyunan ko na ito. Sya ang hinirang kong Dyosa at sasambahin ko sya. Bawat araw kailangang kong ipaalala sa sarili, na iginuhit ng tadhanang magkakilala kami. Sa buhay ko, pupunan nya ang kakulangan ko at ituturo nya ang landas na hindi ko pa tinahak.
At tutuo naman pareho ang nasa above. Lalo na nung kanang kamay ako ng Dyosa, tulo laway sa inggit ang mga kapwa kutong-lupa ko habang halos kusang sumabog sa ngitngit ang mga maliliit na Dyosa (na tatawagin kong 'Chos').
Konting panahon pa at naintindihan ko na. Gusto ako ni Bathala. Yan ang tutuong dahilan kung bakit maingat sa akin ang Dyosa. Bwisit ang Bathala sa Impakta, na kaibigang ipinagtatanggol ng Dyosa.
Eto naman kasing si Bathala, kung bakit matanda na- sakitin at iniwan kaming nakalambitin. Todo kinang ang korona ng Dyosa, habang ang mga Chos sa gilid ay tumutuligsa at mistulang pipi ang mga kutong lupa.
Isang matandang dalaga ang Dyosa, na hinubog ng matalinong institusyon at nilublob sa pagsasanay ng dayuhang organisasyon. Maitim sya, may saya ang ilong, at bukol-bukol na sa masasagwang bahagi ng katawan.
Bulung-bulungan sa kainan na sa kabila ng regular na pagsisimba at kaliwa't kanang kawang-gawa, kloseta ang lola mo. Sabi-sabi ng matatanda, walang tunay na tumatao sa trono. Ngisngisan ng mga bata, hindi nya alam ang kanyang ginagawa. Ebanghelyo ng guro ko, ang katauhan ay nasa gawa.
Ano nga bang ginagawa ng Dyosa ngayon?
No comments:
Post a Comment