Sinalubong ko ng buntong-hininga ang pagdilat ng mata ko kaninang umaga. Ikatlong isyu ng buhay ko ang paplantsahin ko ngayon.
Nung September 15, dumaan ako sa isang ritwal na inimbento ko para sa ikatatahimik ng puso ko. Isusulat ko yun sa isang hiwalay na blog. Dalawang araw pagkatapos nun, inilahad ko naman sa Dyosa ang hindi kagandahang karanasan ko sa mga kuko ng Impakta. Sa araw na ito naman, tatapusin ko ang proseso ng pansamantalang pamamaalam ko sa pag-aaral. Lahat ng ito ay pawang mga kalmot sa dibdib ko.
Naisip kong maging pasaway sa araw na ito. Alas diyes na ako pumasok ng opisina, at sa halip na magbihis pormal ay nag-tshirt, maong, at rubber shoes ako. Tutal maghahalf-day ako ngayon para lakarin ko nga ang mga papeles ko sa eskwela. Tapos na ang desisyong ito. Hindi ko maharap ang pag-aaral sa gitna ng tambak na trabaho, at hindi naman magbabago ang ganitong skedyul ko hanggang sa susunod na sem kasi nga hanggang Disyembre ang kontratang gusto kong tapusin. Ang kailangan na lang talagang gawin ay kaladkarin ko ang mga paa ko para makapagpaalam ng maayos sa eskwela.
Aakalain ko bang babalikan pa namin ng Dyosa ang lecheng sulat ko? Sa ikatlong pagkakataon, gusto niyang papalitan ang laman ng sulat. Masyado daw akong nagde-demand, hindi maganda ang dating na very prescriptive daw. Ano raw ba ang gagawin ko kung hindi mangyari ang mga hinihingi ko: magsasampa ba ako ng kaso? Anya, kapag ganun katindi ang demands ko e parang isinasara ko na ang posibilada na makapagtrabaho kami ng Impakta “harmoniously” in the future.
Ang nasa isip ko ay ganito: Una, hindi ko na ma-gets; akala ko ba tinatanong nya ako kung anong gusto kong redress? Ikalawa, tinatakot nya ba ako? At Ikatlo, anong “harmony” ang inaasahan nya pagkatapos mangyari ang insidenteng yun sa among dalawa ng Impakta?
Pero syempre ang mga sagot ko sa kanya ay ganito: Naiintindihan ko sya na ang problema lang e yung pagkakasulat ko kaya sige gagawa ako ng ikatlong draft ng Official Complaint ko. Ngayon ko lang nalamang may drafts sa pagfa-file ng ganitong sulat.
Napagod ako bigla. Tuksong-tukso na akong magpaalam sa putragis na opisinang yan. Pakiramdam ko, pinadudugo pa nila ang usaping dapat naman ay simple lang at ang management na ang nag-aayos. Nabubwisit akong isipin na harang pa sa dami ng trabahong gusto kong tapusin ang lecheng isyu na sa akin e pwede namang tapos na sana.
Nilalaro ng Dyosa ang oras ko. Tinatantya nya kung hanggang saan ko itutulak ang punto ko. Pinamumukha nya sa akin kung hanggang saan lang ako.
Pero ito ang nakita ko: Ngayon alam na nya na maraming nakatagong prinsipyo sa likod ng mga pagtatawa ko. Higit sa lahat, nakita ko sa mga mata nya na habang nilalaro nya ako ay takot din sya. Sa wakas ay nakakilala sya ng tulad ko. Hindi ako bulag. Pinapanuod ko sila. Hindi ako pipi. Magsasalita ako. Hindi nya matantya kung hanggang kailan at hanggang saan ang kaya kong sabihin.
Nag-aalangan sya. Hindi nya alam kung sino sa aming dalawa ng Impakta ang gugustuhin nyang umalis; kung sino sa aming dalawa ang gugustuhing magpaiwan pagkatapos ng nangyari. At dapat syang matakot, dahil hindi nya pa talaga alam kung anong gagawin nya. At alam kong alam nya na alam ko lahat ito.
Pero sige, redraft at downplay ng language. Ganun pa rin naman ang sinabi ko, inedit na lang ni Kiel. Inemail ko na, kinawayan ko sya sa loob ng silid kung saan sya nakikipagmiting at tinext ko sya na wala nang igaganda pa ang sulat na yun. Problema nya na kung anong gagawin nya. Problema na namin ng Impakta kung anong kahihinatnan ng lahat. Lumayas na ako at inayos ko na ang mga papeles ko sa eskwelahan. Bwisit talaga.
Isang oras pa, nagtatawag na ako ng kaibigan. Bisi-bisihan sila sa araw na ito. Hmmp. Sya, karipas sa Greenhills. Lulunurin ko ang sarili ko sa asukal nang maisip kong hindi pa pala ako nagtatanghalian. Hala, lumamon ako sa Gerry’s Grill. At oo, lumafang pa rin ako ng asukal sa Krispy Kremes.
Nang dapuan ako ng kunsensya (o di ba, parang langaw?) sa dami ng calories na isinaksak ko sa katawan ko, naglakad kami ni JS mula Greenhills hanggang Main Avenue. May pamasahe pa naman ako pero gusto ko lang na makapagisip-isip, makisaliw sa ingay ng kalsada, at manlagkit sa paghahalo ng pawis ko sa usok ng mga sasakyan.
Ngayon, bangag na bangag ako sa antok. Maliligo ako at matutulog. Maya-maya pa lalayas ulit ako papunta sa isang birthday party na sa loob ng maraming taon ay magkasama naming ipinagdiriwang ni Karing. Haaay… nasaan ka na ba kasi ngayon? Karing, ngayon ko kelangan ng abogado!
Byernes. Bukas may date kami ni Paolo.
No comments:
Post a Comment