Wednesday, 17 June 2009

Maghapon

Kaliwa't kanan ang natanggap kong pambubuyo.

"Hindi tama, mali ang nangyari at hindi ka dapat tumahimik."

"This is bigger than you, kelangang magsalita ka hindi lang para sa 'yo kundi para din sa iba."

"Nasan naman ang dignidad mo, ang daming nakakita.

Ano na lang iisipin nila, na okey lang sa 'yo na ganun kang tratuhin ng iba?"

Hanggang tumigas na lang ang kulangot ko, at maisip-isip kong sige na nga para na rin sa ikatatahimik ko tutal talaga namang nakapagdesisyon na kong umalis e di sabihin ko na lahat.

Pagkatapos kasi ng lahat ng insultong natanggap at kaiiyak ko itong mga huling buwan, namanhid na ata ako. Kahit niyugyug na at lahat ang ulo ko sa pagitan ng dalawang kamay ng Impakta, nakaplastar pa rin ang ngiti ko. Kahit isang linggo na mahigit ang famas awardee drama na yun, wala ni gapatak ng luha o violent exchange of lines na ginawa ang lola nyo. Hanggang dikdikin na nga ako ng mga agresibong tao sa paligid ko, at naisip kong malamang tama sila at baka malasin na naman ako pag hindi ako nakinig sa mga words of wisdom ng council of elders.

Kaya kanina, niratsada ko ang isang email para sa Dyosa. Pinamagatan kong "Official Complaint" at minarkahan ko ng delivery report, read receipt, at high importance para siguradong mamula at mapansin ang liham ng abang alipin na ito. Bilang administrator kuning ng isang website, nagamay ko na ang tonong makina sa paggawa ng sulat kaya deretsahan lang ang pagsasabi ko ng mga isyu, wala nang kadramahan. Pinadala ko yun pagkatapos kong magbayad ng mga nabili kong bag na tinda ng Impakta. In fairness, magaganda ang bag.

Anong napala ng kulangot ko? Maikling usap sa kwarto ng Dyosa, habang nakabukas ang pinto ng opisina nya at maya't maya kaming natitigilan sa pabugso-bugsong pasok ng mga staff nyang may kanya-kanyang pakay, ilang tawag sa telepono na wrong number at I'll call you later, at mas maraming kwento nya tungkol sa sarili nyang buhay. May ikatutuwa ba ako? Well, hanga daw sya dahil maganda ang sulat ko at very matured ang attitude ko sa nangyari. May aasahan ba akong aksyon? Ipapadala daw nya ang sulat ko sa Impakta para makapagisip-isip daw yung isa. Pagkatapos non, pinayagan nya akong magkape sa Starbucks.

Na-gets nya kaya kung gano kabigat ang isyu? Na pwede akong magsampa ng kaso kung gusto ko? Na ang pupuntahan ko sa Starbucks ay hindi lang kape kundi chika sa isang kaibigan?

Kelangan pa bang sagutin ang mga tanong ko ngayon? Hindi na siguro, tutal nakauwi na ako. Tulad ng lahat ng araw na lumipas habang nagtatrabaho ako sa opisinang yun, oras na ng pahinga. Bukas, bagong kwento na naman.

No comments:

Post a Comment