Wednesday, 17 June 2009

Kahapon Kanina

Tinapos ko na ang first draft ng ikalawang manual na ginawa ko para sa Salapudin. Tataya ako ng beynte singko, ang manual na yun ay tulad din unang ginawa ko- hindi na matatapos ever.

Tatlong piraso ng tsokolateng may etching ng Petronas Towers ang dinatnan ko sa mesa ko kanina. Pampalubag-loob iyon ng Dyosa na nagbakasyon ng isang linggo sa lupain ng kanyang irog. Kung dati rati kapag may ganito ay napapangiti ako, "how sweet" ang naiisip ko, hindi na ngayon. Alam ko na ang ibig sabihin ng mga ganito ngayon. Hindi na yun tanda ng pag-alala para sa akin. It's nothing more than compliance to a social obligation, ika nga.

Andyan na sya. Umaga pa lang ramdam ko nang hindi ko palulubugin ang araw na hindi ko sya nakakausap. Kelangan nya nang malaman. Kelangan nang mabunot sa dibdib ko ang pagpapanggap ko. Ayoko na sa Salapudin, aalis na ako.

Maghapon kong pinakikiramdaman kung pano ko sya kokornerin para kausapin. Syempre pa bisi-bisihan ang Dyosa. Umuusok na ang telepono at halos bumaon na ang keyboard ng laptop nya. Abala sa mga tawag tungkol sa stocks, sa tseke, at sa walang katapusang chat. Nang kapaguran nya ito, chugi-chugiin nya naman ang isang kawawaang kutong-lupa sa Salapudin. Kung bakit tuwing gagawin nya yun, bukas na bukas ang mga pinto at para bagang buong mundo ay gusto nyang maging saksi sa pagpapamalas nya ng kapangyarihan.

Sa isang banda, at sa isang ordinaryong araw, maganda ito para sa akin. Walang raratrat habang nagtatrabaho ako. Walang mangungulit sa mga walang kapararakang bagay. Pero hindi ito ang araw na iyon. May mga bagay na gusto kong tuldukan ngayon, at ngayon na. Liban sa pamamaalam ko, mahaba-haba na rin ang listahan ng mga desisyon na kailangan nyang gawin at kailangan ko ang mga iyon para maisara ko lahat ng zipper ng maletang gusto kong bitbitin, mga gawaing gusto kong tapusin bago ako umalis sa impyernong kahariang iyon.

Pasado alas-singko na rin nang makorner ko na sya. Isinara ko ang pintuan ng opisina nya at umupo ako sa harap ng mesa nya. Ganitong-ganitong nung una kaming nagpakilanlan. Ganitong-ganito tuwing gusto ko syang kausapin tungkol sa importanteng bagay. Isinasara ko ang pinto ng kwarto nya bilang senyales sa lahat na ayoko ng distorbo at kelangan ko ang buong atensyon ng Dyosa.

Maiksi lang ang usap. Sinabi kong December 17 na ang huling araw ko doon. Babalik ako sa eskwela, yun ang gusto kong gawin at hindi ko sya balak goyoin sa oras ko sa opisina.

Bakit December 17? Press release: paakyat ako ng Baguio. True confession kay Inday Badiday: birthday ng Impakta sa December 18 at taunang pinaka-huling pyesta sa opisina bago ito magsara; wala kong balak makipaglamay sa patay.

Tatlong sunud-sunod na punto lang ang sinagot/tinanong nya: 1) if that's my decision, what can she do, 2) may kilala ba akong pwedeng pumalit sa akin, at 3) kelan ko ba napagdesisyunan yun. At ang mga pahayag ko: 1) this is important to me, 2) mahirap maghanap ng tulad ko, at 3) August 29, dalawang araw pagkalipas ng deadline ng research proposal ko. Pahayag, dahil gusto kong itaas naman ang pagi-isip nya- basahin nya ang sinasabi ko.

Mas nangulit sya sa ikalawang punto. Kelangan nya ng kapalit ko. Sinabi ko naman, sa lahi ko ako na lang ganito. Lahat ng tulad ko, nagmamaneho ng sariling kotse - hindi sila marunong kumunsulta, sila ang kinukunsulta. Hindi ko sya pinaasa. (Ano ako gaga, manghilahod pa ba ako ng friend papunta sa imburnal e nasira na nga ang tyan ko sa kalalagok ng mga lumot nya?)

Kinambyo ko na lang usapan sa trabaho. Ako naman ang nagbigay ng deadline sa kanya. Kelangan nyang pagdesisyunan ano pang kelangan nya sa akin bago ako umalis. Bukas daw pag-usapan namin. Okey na sa akin yun.

Nagbihis na sya at gumayak patungong gym. Nagligpit na ako at gumayak pauwi.Closure? Wala. Relief? Meron. Justice? Delayed.

No comments:

Post a Comment