Nakadalawang yosi ako kaninang alas singko. May kapatid pa itong panginig-nginig. At hindi ko naiintindihan kung ano nga ba ang pinagkaka-tensyunan ko samantalang sa kaloob-looban ko alam kong tama ang ginawa ko.
Kani-kanina lang dinalaw ako ng Dyosa sa maliit na koral kung saan ko pinagbabayaran ang sweldong tinatanggap ko.
Maghapong tahimik ang opisina; tahimik, dahil walang nangyaring kagimbal-gimbal sa usapin ng sulat na iniluwal ko kahapon. Katatapos lang ng meeting namin tungkol sa haytek na putang-inang document management system na 'yan. Kahit nagmumura na ang kalooban ko sa komplikasyon na dala ng imbensyon na ito, tinahi ko ang bibig ko sa loob ng mahigit na dalawang oras. Hindi ko masikmurang sa halip na gumaan ang sistema ng pagtatrabaho ay pinahihirap pa ng electronic system na hindi naman kasi akma sa mga pangangailangan ng napakaliit na opisina. Buti na lang at masarap ang pancake, kahit paano nakabawi ang patay-gutom na ito.
Hindi nya 'ko nilapitan tungkol sa katatapos na meeting. Awa ng Diyos at sa website ako nakatoka at hindi sa electronic system na yun. Nilapitan ako ng Dyosa dahil sa sulat ko, na hindi pa pala nya ibinigay sa Impakta gaya ng sinabi nya kahapon. Mahirap paniwalaan pero sinabihan nya akong ayusin pa ang sulat. Kesyo hindi malinaw kung Official Complaint ba iyon o Incident Report lang. Kesyo kelangan kong isaad kung ano ang reprimand na hinihingi ko.
Sa isang banda ay tama rin siguro sya. Ang medyo nakakatawa lang ay pwede pa palang i-edit yun ng taong pinagtutuunan ng sulat ko, na walang iba kundi sa tutuo lang ay siya.Obvious ba? Habang nagsasalita pa lang ang Dyosa, naiintindihan ko na- gusto nyang sa akin manggaling ang lahat, para ang sasabihin nya na lang ay "Given the complaint, I am compelled to act accordingly".
Obvious ba na kumunsulta na sya sa kaibigan nyang maalam sa ligal na karapatan ng manggagawa? At ano sana ang dapat gawin ng lola nyo? Hindi ba't slight e gusto ko rin naman ng hustisya?
Pagkatapos ng kaliwa't kanang konsultasyon sa council of elders, na halos ikalaglag na ng YM sa screen ng laptop ko, nirepaso ko na nga ang sulat. Ibinigay ko na ang hinihintay ng mga tagasubaybay. Hiningi ko na sa sulat na yun ang isang public apology letter sa akin, sa lahat ng saksi, at sa Diyos at Dyosa ng opisina. May himas ang sulat ko, pero inilabas ko na rin ang mga pangil ko.
Sa kaloob-looban ko, alam kong usapin na ng tama at mali ang ginawa sa akin ng Impakta. Wala nang kinalaman ang anumang personal na isyu. Wala na sa lebel ng husay sa paggawa ang usapin. Dahasang tama at mali na ang nakataya. At kahit tulad ng marami ay gusto ko lang ng katahimikan, kailangan ko nang harapin ang paninindigan ko.
Sa kaloob-looban ko, "E ano ngayon kung anong gulo pa ang mangyari, e nauna ko nang napag-isipang ayoko na dito". Ano pa bang katahimikan ang hahanapin ko ngayon?
Ang medyo nakakatawa ay medyo nakakainis din. Alam kong sa isang malaking paraan ay nagpagamit din ako sa hayup na Dyosang yun. Lalo na nang matapos nyang matanggap ang sulat ko, ang sabi nya, "Kwidaw ka rin kasi alam mo naman ang ugali ng isang yan; baka anong gawin nya sa 'yo". (Kanina lang binuyo nya 'ko, tapos ngayon binabalaan nya 'kong mag-ingat.) Dagdagan pa nya ito ng kwentong nang mga huling araw ay todo papuri sya sa pagtatrabaho ko. I'm sure ang tinutukoy nya ay ang "The Price is Right" stint; hindi pa nya ko nakitang tumawid sa alambre, kumain ng bubog at bumuga ng apoy!Sa isip-isip ko, "E ano ngayon?"Pagkatapos ko panginig-nginig na drama ng katawan ko, ang sumagi pa sa isip ko e baka mamatay sa alta presyon ang Impakta. Kasi nga matanda na sya. Sumagi rin sa isip ko na kawawa naman sya. Sa lahat ng hiningi ko sa sulat, 'di kaya mawalan sya ng career?
At sa isip-isip ko, "E ano ngayon?"
Ngayon, habang isinusulat ko ito, nakakailang yosi din ako. At medyo naginginig din ako. Pero talaga namang nakakailang yosi ako tuwing nagsusulat, at medyo malamig sa ilalim ng tolda habang bumubuhos ang ulan.
Nakatambad sa harap ko ang mga tuyot na pulang rosas na galing sa mamahaling hotel nung gabi ng "The Price is Right". At mas malinaw akong nakakapag-isip sa kwadradong mesang pugad ng lahat ng isinusulat ko...
Para sa sarili ko, hindi para sa iba.
No comments:
Post a Comment