Umalis ka na dito habang maaga pa; sayang ang ganda mo dito. Sinabi ko yan sa kanya dati pagtapos kong mabasa ang resume nya. Mahusay ang gaga, maraming talento hindi lang sa paga-admin. May kagalingan din sa pagbubuo ng konsepto ng mga visual design. Sa gabi, keri din nya mag-lead vocals sa isang bandang matagal na nyang ka-jamming. At oo nga pala, tapos sya sa isang mahusay na pamantasan.
Hindi lang yan ang kahanga-hanga kay Farah. Isa syang single mom; dinispatsa na nya ang asawang sinungaling. Aba’y ikaw na kaya ang magpaikot ng buong mundo mo sa isang pamilya para lang malaman mong habang pinaliliit mo ang mundo mo e may lakas ng loob ang jowa mong lumipad sa kalawakan at sabihin sa iyong: nalulungkot kasi ako.
Ibang klase ang karakter ng babaeng ito. Sa ngiti, akala mo mababaw. Bibihirang pumatol sa mga usapin ng isyu, pero pag bumanat sapul. Haba ng pasensya, pero pag bumwelta husgado ang diretso nyo.
Kanina ko lang nalaman. Sinampahan ni Farah ng kaso sa National Labor Relations Commission ang Salapudin- illegal dismissal. Chinugi pala sya base sa alegasyong may dinuktor syang reimbursement, na anya naman ay ginawa nya sa payo ng may hawak ng kaban.
Galit ang kutong-lupang ito. At nakakatakot syang magalit. Alam nya kung paano dinuduktor [ng mga may hawak ng kaban] ang mga kontrata at paniningil na ginagawa sa Salapudin.
No comments:
Post a Comment