Wednesday, 17 June 2009

The Price is Right

Sakit ng paa ko. Iniisip ko na lang na mas masakit ito kung wala akong sapatos, o kung cheapangga ang shoes ko. Ginaw na ginaw din ako. Iniisip ko na lang na nangisay na sana ako kung wala akong damit, o kung manipis ang suot ko. Higit sa lahat, sa kasagsagan ng mga aktibidades, wala akong kagana-gana kahit sa gitna ng sandamakmak na masasarap na pagkain.

Big event ng big time kong opisina. Daan-daang libong salapi ang nilustay sa isang pagsasalong busog na busog ng pulitika. Nagkandahilo na ako sa pagtanda ng mga pangalang sikat- kung san sila uupo, kung saan sila maglalakad, kelan tatayo at uupo, aling litrato at aling musika ang isasalang sa aling bahagi ng mala-nobelang script ng dramang binuo ng mga taong mas marami pa ata sa Writers' Guild.

Para san? Para sa ikauunlad ng mga sariling interes ng lahat.

Nagtatrabaho ako sa isang international technology and management consulting group na nagpapadaloy ng isang grant project. Nag-umpisa ako bilang Executive Assistant, at pagkaraan ng anim na buwan ginawa nila akong Communications Officer. Ano yun? Dapat, ako ang nago-operate ng communications strategy kuning ng proyektong ito, na isang ICT project. Pero, ano yung ginagawa ko? Kung anong sabihin nila.

Gaya kanina. Isa akong floor manager na nakapustura. Kung sa opisina, daig ko pa ang mekanikong taga-ayos na sirang makina. Well, dahil opisina yun, tagagawa ako ng mga powerpoint presentation na walang laman. Taga-empake din ako ng mga dokumentong walang saysay. Taga-karga din ako ng mga files sa kung saan-saang drive. Ang pinakamatalino ko nang gawain ay ang alamin kung nasaan nakalagay ang mga papel at sino ang taong dapat kinakausap tungkol sa anik.

Noong 1994, noong una akong nagtrabaho sa isang NGO, advocacy program ang pinatatakbo ko- mula sa pag-aaral ng sitwasyon, pagpaplano, pagba-budget, pagpapagalaw, hanggang sa pag-aanalisa kung san tumama at nagkamali ang programa. P2,500 lang sweldo ko nun. Pero marami namang meeting at training kaya konti na lang ang gastos ko sa pagkain. Kahit wala pa sa isang dosena ang pinapagpalit-palit kong damit, e mukha rin namang mga basahan ang kasama ko kaya pwede nang daanin sa mala-artistang ngiti.

Gapang pagong ang pagtaas ng sweldo sa NGO, pero kwarta naman ang takbo ng trabaho. Ang dami kong natutunan, at pakiramdam ko ang bilis kong tumanda. Hanggang napagod na rin ang puso ko sa frustration ng kakulangan sa pera. Hindi lang ng para sa sweldo ko, kundi ng perang laan para mapaharurot ang mga gawain. Ang hirap mag-serve sa poor kapag poor ka rin. Unti-unti ko na ring naisip nun na ayoko namang pagkatandaan ko na lang ang ganung perspektiba. Gusto ko ring maintindihan ang kabi-kabilang kampo.

May isang proyekto. Maraming pera dun kasi utang ng gobyerno. Sa biglang tingin din, may makinarya na. At oo, mas mataas ng tatlong ulit ang sweldo ko. Mayabang-yabang na rin ako kasi kaka-martsa ko lang nun sa kolehiyo kaya pakiwari ko handa na akong magkaron ng career. Ayun, empake ng bag. Goodbye sa mga fungi. Balik-Kyusi ang drama ng lola mo.

Isa't kalahating taon. Ayoko na. Hindi ko na alam ang pakiramdam ng masikatan ng araw at makasinghot ng sariwang hangin. Hindi ko na napanuod ang maraming paglubog ng araw. May mga araw na tabingi na ang ulo ko sa maghapong kakaakyat-panaog ng Luzon, Visayas, at Mindanao. Pati pagkakape ko sa umaga ay pinepeste ng walang kapararakang sermon ng boss tungkol sa isang bagay na makakapaghintay naman ng tanghalian.

Buhay pokpok naman. Kung sinong may pera ang kakalabit, sama. Hindi regular ang kita pero kung susumahin ng taunan, mas malaki. Dahil paisa-isang putok lang at uwian na, walang away. Aba'y kagandahan din naman ang mga ganung relasyon. Pero ilang ulit ko ring sinubukan ang permanenteng trabaho, wala na. Hindi ko na kayang tumagal. Mas mahal ko na ang sarili ko, mas mayabang na ko; gusto ko na ng pera, at ayoko nang isuko ang mangilan-ngilan kong prinsipyo.

Itong trabaho ko na ngayon ang may pinakamagandang alok ng sweldo sa akin. At ang opisina ko, mala-hotel ang kasosyalan! May libreng pasayaw pa dalawang beses sa isang linggo. Pagtapos ng higit isang taon, nakakaburat din pala. Puro showcase. Puro imahe. Walang kalaman-laman. Aparador ko lang ang nabusog.

Balisa na naman ako. At kanina, habang nakaplastar ang aking celebrity smile kahit mistulang uto-uto akong taga-abot ng mga plake at kamiseta sa isang Sekretarya ng isang Departamento, ang tanging nasa isip ko:

"Come on down, you're the next contestant on The Price is Right"!

No comments:

Post a Comment